22 Oct
22Oct

Ni Louella Artel Ramos (Paper Soul)


Ang istoryang ito ay hango sa kapalaran nating mga narito

Musmos pa lamang ay sinubok na ng mundo

Ipinangako sa sariling matutong gumawa ng sariling ilaw

Bawat hininga’y tungo sa pagliyab

Binabaybay ang buhay gamit ang sariling lampara.

Sa hirap at hikahos ay gustong lumubay,

Tatag ng loob, determinasyong walang kapantay

Diskarte’t hinasang talas ng isip ang panday.

Walang makapipigil sa takbo

Langoy, gapang, hakbang, subsob

Tuloy tuloy ang sugod tungong asenso

Ipinunlang pangarap

Pinayayabong ng pagsusumikap

Malapit na ang bunga, tanaw na ang pangarap.

Sa isang paghimbing, ang lahat

Ay binasag ng dagundong ng delubyo

Ginulantang ng yabag ng sigalot

Tila yumanig ang pundasyon

Sanay bumuhat pero tonelada ang biglang ibinagsak

Ginapos ng lamig, nilunod ng ulan

Ang lampara noong nagliliyab,

Hindi mahanap ang siklab.

Sa pagkayuko’y inabot ang

Magaspang na palad

Sa higpit ng kapit ay

Tila may mensaheng

Tara na, hindi ka nag-iisa.

Pagtingala’y lipon ng mga lamparang mapanglaw ang ilaw

Ang nakita, lahat ay kapit-bisig

Itinatagpi ng pangarap ang pagbangonsunod-sunod, unti-unti

Sa kanlungan ng isa’t isa

Pagtindig ay dumadali, gumagaan

Apoy na humina’y ngayo’y pinalalakas pa

Sama-sama’y dagitab ng pagkakaisa’y

Sumisilab ng bagong simula. 


---

Paper Soul conducts spoken word poetry and music performances across Pampanga. They arrange and host workshops focusing on various aspects such as spoken word composition, poetry presentation, song creation, and similar activities.

Comments
* The email will not be published on the website.